DMW, tiniyak ang agad na pagbabalik sa bansa ng mga labi ng OFW na brutal na pinatay sa Kuwait; deployment ban, hindi pa kailangan

Tiniyak ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople ang agad na pagpapa-uwi sa bansa ng mga labi ng Overseas Filipino Worker (OFW) na brutal na pinatay sa Kuwait matapos ang pagdalo nito sa isang pagdinig sa Senado.

Ang household service worker na si Jullebee Ranara, 35-anyos, ay natagpuan noong Linggo sa isang disyerto ng nasabing bansa na patay at sinunog pa ang katawan.

Ayon kay Ople, wala silang nakikitang dahilan para ma-delay o mabinbin pa ang pagpapa-uwi sa mga labi ng biktima dahil nasa kustodiya na ng mga awtoridad sa Kuwait ang suspek sa krimen na 17-anyos lang at anak ng employer ni Ranara.


Sinabi pa ni Ople na naging mabilis ang pagkilos ng pamahalaan para asikasuhin ang kaso ni Ranara dahil sa loob lang ng 24 oras ay hawak na agad ng Kuwaiti police ang pangunahing suspek.

Nagtutulungan na rin sa kaso ni Ranara ang mga opisyal ng embahada ng bansa sa Kuwait, Kuwaiti police, at prosecutor’s office para sa mabilis na paggulong ng kaso at pagbibigay hustisya sa pamilyang naiwan ng biktima.

Samantala, naniniwala naman si Ople na hindi pa kinakailangan sa ngayon ang deployment ban ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait sa kabila ng nangyaring karumal-dumal na pagpatay sa isang kababayan.

 

Magkagayunman, nais ni Ople na magkaroon ng dagdag na safeguards para matiyak na mas mapoprotektahan ang ating mga kababayan sa Kuwait at mangangailangan ito ng kooperasyon mula sa Kuwait government.

Facebook Comments