Nag-match sa DNA sample ng mga magulang ni Catherine Camilon ang mga dugo at hibla ng buhok na nakuha ng mga otoridad sa isang abandonadong sasakyan na pinaniniwalaang may kinalaman sa pagkawala ng beauty queen.
Ibig sabihin, ayon kay PNP-CIDG Director Major General Romeo Caramat Jr., si Camilon nga ang babaeng nakita ng mga witness na inililipat ng tatlong lalaki sa isang SUV.
Dahil dito, mas bumigat aniya ang kasong isinampa ng pulisya sa mga suspek.
Samantala, sinusubukan din ng PNP Forensic Team na makakuha ng fingerprints upang i-match sa mga suspek.
Kabilang sa mga kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention sina Police Major Allan de Castro na umaming mayroong “illicit relationship” kay Camilon; driver-bodyguard nito na si Jeffrey Magpantay at dalawang “John Does.”
October 12 pa nang mapaulat na nawawala si Camilon.
Nag-alok na ng ₱250,000 na pabuya sina Batangas Vice Governor Mark Leviste, Presidential Anti-Organized Crime Commission at ang business sector para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng beauty queen.