=Inamin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na patuloy pa rin ang China sa kanilang ‘improvements’ at pagtatayo ng mga pasilidad sa mga isla sa West Philippine Sea.
Sa budget hearing ng Department of National Defense (DND) sa Kamara, sinabi ni Lorenzana na patuloy pa rin ang presensya ng China sa mga itinayong artificial islands sa pinag-aagawang teritoryo.
Gayunman, tiniyak ng kalihim na walang patid na ginagawa ng ahensya ang lahat ng paraan para maprotektahan ang ating teritoryo at soberenya ng bansa sa kabila ng limitadong assets at napakalawak din ng West Philippine Sea.
Bagamat palaging nakukwestyon ng China ay patuloy pa rin aniya ang isinasagawang ‘air patrol’ ng DND sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ) sa South China Sea.
Ngayong taon ay hindi rin umano sumali ang bansa sa military exercises ng US sa mga disputed areas sa South China Sea at kung talagang kinakailangan na sumama ang bansa ay irerekomenda nilang gawin na lamang ito sa ating teritoryo tulad sa karagatan ng Sulu.