Posibleng humalo sa mga refugees mula Afghanistan ang kanilang mga terorista patungo dito sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa harap na rin ng mga pangambang terror attack sa bansa.
Ayon sa kalihim, pwedeng makapasok ang mga Afghanistan terrorist sa Pilipinas pero hindi raw ito basta-basta makakagala.
Ang maaari lang daw gawin ng mga ito sa bansa ay makipag-ugnayan sa mga local terrorist group pero matatagalan daw ito bago maisakatuparan.
Nakakabahala aniya ito kaya dapat ay mas maging mabusisi ang gobyerno sa pagtukoy ng mga refugees mula Afghanistan.
Sinabi pa ni Lorenzana na ang Philippine National Police (PNP), Department of Foreign Affairs (DFA) at Bureau of Immigration (BI) ang nakatututok ngayon sa mga proseso sa mga dumarating na refugees galing Afghanistan at hindi sakop ng AFP.
Una nang kinalma ng kalihim ang publiko at sinabing walang namo-monitor na banta ng terorismo sa bansa.
Ito ay matapos na magbabala ang Japan sa kanilang mga kababayan na nasa anim na bansa sa Southeast Asia kabilang ang Pilipinas na maging handa sa posibleng terror attack.