Ikinatuwa ng Department of National Defense (DND) ang pahayag ng iba pang mga bansa ng suporta sa Pilipinas.
Ito’y matapos ang pinakabagong insidente sa Ayungin Shoal noong Sabado kung saan binangga ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng Pilipinas na nagsasagawa lang ng resupply mission.
Ayon kay Defense Spokesperson Dir. Arsenio Andolong, kinikilala nila ang gobyerno ng France, South Korea, at Japan na tumitindig sa Pilipinas sa mapanganib at iligal na hakbang ng China sa West Philippine Sea.
Bago nito, una nang nagpahayag ng suporta ang United States of America, Australia, Canada at iba pa.
Pare-pareho ang posisyon ng naturang mga bansa na nagsasabing walang karapatan ang China sa West Philippine Sea at nakakaapekto ito sa katatagan ng Indo-Pacific Region.