Manila, Philippines – Iginiit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na dapat munang maging seryoso sa usapan ang Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF bago muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga ito.
Reaksyon ito ng kalihim matapos ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tila plano na nito ang pagbabalik ng peace talks sa pagitan ng CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Lorenzana, alam niyang agad itong papaboran ni Sison upang muling maisakatuparan ang kanyang sariling interes.
Pero marami aniyang kondisyon ang Pangulo bago muling buksan ang peace talks na dapat ay seryosohin nilang sundin.
Ilan sa mga kondisyon ng Pangulo ay wala nang gagawing pag-atake ang NPA laban sa tropa ng pamahalaan at sibilyan, wala nang mangyayaring extortion o pangongotong at paninira ng mga kagamitan ng gobyerno.
At dapat aniya sa Pilipinas gagawin ang peace talks kung muli itong isusulong.
Naniniwala si Secretary Lorenzana na sa mga kondisyong ito mahihirapan ang CPP-NPA-NDF na muling maibabalik ang usapang pangkapayapaan kahit pa nais ng Pangulo na magkaroon ng peace talks.