Pinabulaanan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro Jr., ang umano’y pakikiisa ng ahensya sa China hinggil sa pagbuo ng kasunduan para sa “new model” o bagong porma ng pagkilos sa Ayungin Shoal.
Kasunod ito ng pahayag ng Chinese Embassy hinggil sa umano’y pakikibahagi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM) sa nasabing kasunduan na aprubado rin anila ng gobyerno ng Pilipinas.
Sa kanyang statement, iginiit ng kalihim na walang naging ugnayan ang DND sa Chinese Embassy magmula nang maupo siya sa pwesto noong July 2023.
Ayon pa kay Teodoro, malinaw na pakana lamang ito ng China upang magpakalat muli ng maling impormasyon at ilayo ang atensyon ng publiko sa ginagawa nitong panggigipit sa West Philippine Sea na parte ng teritoryo ng bansa.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang kalihim sa publiko, media at international community na huwag magpaloko sa ginagawang manipulasyon ng China.