Handa ang Department of National Defense (DND) na tumulong sa mga ahensyang namamahala sa paglikas sa mga Pilipino sa Ukraine at maiipit sa ginagawang pagsalakay ng Russia.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, masusi nilang tinututukan ang sitwasyon sa Ukraine.
Aniya, oras-oras nilang sinusubaybayan ang posibleng pang mangyari sa nagpapatuloy na kaguluhan.
Dagdag pa ni Lorenzana, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroong na silang naitalang 181 Pinoy sa Ukraine habang may 37 pa na papunta na sa Lviv na ililikas din.
Una nang inihayag ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., na personal siyang tutungo sa Ukraine.
Kung saan, partikular na pupunta si Locsin sa Ukrainian Border para alamin ang kalagayan mga Pilipinong apektado ng paglusob ng Russia sa Ukraine.
Tinatayang 380 pinoy ang nasa ukraine at mayroon nang iilan na nakauwi sa bansa.
Habang ang iba naman ay lumikas kasama ang kani-kanilang mga amo.
Samantala, umapela naman ang DFA sa International Community at sa UN General assembly para sa mapayapang pagresolba sa iringan ng Russia at Ukraine.