Manila, Philippines – Nahuli ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Somali National na nagpanggap na Swedish citizen.
Kinilala ang dayuhan na si Abdinajah Mohamoud Aden, 23-years old.
November 25 nang dumating sa bansa si Aden mula Dubai at nakatakdang bumiyahe papuntang London nang harangin ng mga tauhan ng B-I Travel Control and Enforcement Unit.
Ayon kay B-I commissioner Jaime Morente, kwestiyonable ang intensyon ng pagpunta ni Aden sa London dahil sa paggamit niya ng Swedish travel document sa halip na sarili niyang passport.
Inamin naman ng dayuhan na nabili niya ang mga dokumento sa isang kaibigan sa Somalia sa halagang 3,000 US dollars o katumbas ng mahigit 150,000 pesos.
Itinuturing na high risk nationals ang mga Somalis dahil na rin sa nangyayaring terror attack at kriminalidad sa kanilang bansa.
Kaugnay nito, required na kumuha ng secure entry visa mula sa konsulada ng Pilipinas sa Somalia ang mga mamamayan nito bago makapasok dito sa bansa.