Doble-plaka ng mga motorsiklo, pinapapalitan ng RFID sticker

Tinalakay na sa Senado ang pag-amyenda sa Motorcycle Crime Prevention Act kung saan kabilang sa isinusulong ay ang palitan ang doble plaka ng mga motor ng radio frequency identification (RFID) sticker.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights, inirekomenda ni Senator JV Ejercito na palitan na lang ng RFID sticker ang malalaking plaka sa harap at likod ng mga motorsiklo.

Naniniwala si Ejercito na mas magiging madali at maginhawa ito para sa mga rider gayundin sa mga pulis at traffic enforcers dahil ang kasalukuyang sistema ngayon ay iniisa-isa pa ang mga rehistro na lubhang nakakaduling.


Kasama rin sa amyenda ang pagbaba sa multa sa ₱5,000 hanggang ₱10,000 para sa mga paglabag sa mga probisyon ng panukalang batas.

Una kasing nasita ni Senator Ramon Revilla Jr., ang sobrang taas ng multa sa ilalim ng kasalukuyang batas na umaabot ng hanggang ₱100,000.

Iginiit din ng senador na mas kailangan ngayon para sa pagsawata sa krimen gamit ang motorsiklo ay ang pinaigting na police visibility at hindi ang paglalagay ng mga malalaking plaka na takaw-disgrasya lamang.

Samantala, iminungkahi naman ni Senator Francis Tolentino na tabihan ng QR Code ang RFID sticker ng mga motor para iyon na lamang ang i-scan sa mga chekpoint at agad na makikita kung may krimen o violations ang rider.

Facebook Comments