DOBLE TRABAHO | Downstream Sector ng DOE palalakasin

Manila, Philippines – Sa gitna ng walang prenong Oil Price Adjustments sa mga nagdaang Linggo, doble trabaho naman ngayon ang Department of Energy upang palakasin ang tinatawag na ‘downstream sector’ ng Oil Industry ng Pilipinas.

Ayon sa DOE, ito ay upang proteksyunan ang mga consumers mula sa epekto ng pabagu-bagong sitwasyon ng International Oil Prices at masiguro ang supply security ng bansa.

Sa loob ng isang buwan, target ng ahensya na makabuo ng ‘Strategic Oil Reserve’ sa pamamagitan ng pagpapakilos sa Philippine National Oil Company-Exploration Corporation.


Inaatasan ng DOE ang naturang Attached Agency na magbenta ng mga produktong petrolyo na kinukuha mula sa non-OPEC members direkta papunta sa mga independent petroleum dealers at iba pang nasa ‘vulnerable sectors’ gaya ng Public Utility Transport groups.

Paliwanag ni Energy Secretary Alfonso Cusi, ang hakbang ay makakatulong na balansehin ang kompetisyon sa lahat ng Oil Industry players at gawing matatag ang Domestic Oil Prices.

Inaasahan naman ang pagdating sa katapusan ng Hunyo ang biniling oil shipment mula sa Russia at naghahanap na ngayon ang PNOC-EC ng mga lugar kung saan posibleng pag-imbakan ng reserbe kabilang dito ang Subic, Phividec Complex sa Misamis Oriental at Quezon.

Pinaplantsa na rin ng Energy Department ang ilalabas nitong polisiya hinggil sa ‘unbundling’ sa presyo ng petroleum products sa layuning bigyan ng impormasyon ang mga consumers kung saan makakabili ng kalidad at murang produkto.

Sinasabing dahil sa ‘Geopolitical Developments’ sa iba’t ibang bahagi ng mundo kabilang ang US Sanctions sa Iran, pagbagsak sa production levels ng OPEC at ang political situation sa Venezuela ang ilan sa mga dahilan ng ‘Uptrend’ sa Oil prices sa mga nakalipas na linggo.

Facebook Comments