Magkakaroon ng pagpupulong ang Department of Energy (DOE) at Department of Finance (DOF) kay Pangulong Rodrigo Duterte bukas upang talakayin ang suspensyon ng excise tax sa produktong petrolyo.
Ayon kay DOE Sec. Alfonso Cusi, si Pangulong Duterte ang nagpatawag ng pagpupulong upang mapag-usapan ang hirit na suspensyon sa excise tax.
Hiniling din ng DOE ang tulong ng Kongreso na bigyan ng awtoridad ang ahensya na suspendihin ang excise tax sa langis sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo nito.
Dagdag pa ni Cusi na sinisilip na rin ng pamahalaan ang pagpapalawak sa tulong na ibibigay sa transport at agriculture sector.
Matatandaang naglaan ang pamahalaan ng P2.5 bilyon para sa fuel subsidy ng mga public utility driver habang ang Department of Transportation (DOTr) naman ay may service contracting program kung saan binabayaran ang mga tsuper kapalit ng libreng serbisyo sa mga pasahero.