DOE at ERC, pinaglalatag ng plano kaugnay sa nakatakdang Malampaya maintenance shutdown

Pinaglalatag ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ng plano upang maiwasan ang power outages sa nakatakdang Malampaya maintenance shutdown sa Oktubre.

Dahil sa nakaambang na scheduled shutdown ng Malampaya mula Oktubre 2 hanggang 22, higit 3,200 megawatts ng power capacity ang mawawala sa mga consumers.

Giit ng Deputy Minority Leader, noong nakaraang taon pa inabisuhan ng Malampaya consortium ang DOE sa preventive maintenance schedule ng gas field ngunit hanggang ngayon ay walang kongkretong plano ang ahensya para maiwasan ang madalas na brownouts at mataas na singil sa kuryente.


Nababahala rin si Zarate na posibleng mag-overlap o magkasabay pa sa timeframe ng Malampaya shutdown ang pagpapaliban kamakailan sa maintenance activities ng mga coal power plants.

Dahil dito, hindi malayong magmistulang “deja vu” ang sitwasyon tulad noong 2013 kung saan sabay-sabay na tumigil ang operasyon ng mga power plants na nagresulta sa power rate hike.

Kinalampag ng kongresista ang DOE at ERC na maglabas na ng plano bago muling danasin ng mga consumers ang hirap na mas lalong pinalubha pa ng nararanasang COVID-19 pandemic at nalalapit na 2022 election.

Facebook Comments