DOE, hiniling sa Senado na ipa-exempt sa pagbabayad ng VAT ang indigenous natural gas

Iminungkahi ng Department of Energy (DOE) sa Senado na ilibre sa VAT ang pagbili at pagbebenta ng indigenous natural gas at enerhiya gamit ang indigenous natural gas.

Sa ginanap na pulong ng Senate Committee on Energy-Technical Working Group, iginiit dito ni Energy Undersecretary Sharon Garin na ang VAT-exemption ay bahagi ng fiscal incentives sa ilalim ng isinusulong na panukalang batas para sa pagpapalakas ng natural gas industry sa bansa sa ilalim ng Senate Bill 2247 na inihain ni Senator Raffy Tulfo.

Naniniwala si Garin na solusyon sa mataas na bayarin sa kuryente at sa matatag na energy security ang paggamit ng indigenous natural gas resources sa bansa.


Apela ng DOE Usec. sa Department of Finance na paburan ang fiscal incentives para sa natural gas investors dahil nararapat lamang na mabigyan ng insentibo ang mga key players ng natural gas para matiyak ang pagpapalakas ng commercial transaction at lumaki pa ang investment sa indigenous natural gas industry.

Paliwanag naman dito ng Prime Energy na siyang operator ng Malampaya natural gas facility, na kadalasan ay tumatagal ng pito hanggang 10 taon ang indigenous gas exploration hanggang sa production at posibleng umabot ng 859 million US dollars ang well drilling at tie-back campaign na bahagi ng Phase 4 ng proyekto at target itong matapos sa 2026.

Facebook Comments