Kinalampag muli ng ilang mga senador ang Department of Energy (DOE) at generation companies kaugnay sa ipinatutupad na red at yellow alert status sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Giit ni Senator Grace Poe, kailangang maging proactive ang DOE upang mabawasan ang pinsala at masamang epekto ng kakulangan sa suplay ng kuryente.
Binigyang-diin ni Poe na lubhang apektado ang mga consumers at negosyo kapag napuputol ang suplay ng kuryente lalo pa’t sa mga susunod na buwan ay mas magiging mainit pa ang lagay ng panahon.
Mababatid na nagpahayag ng pagkabahala si Senator Sherwin Gatchalian sa pagtaas ng red at yellow alert status sa Luzon at Visayas grids sa magkasunod na araw.
Iginiit ni Gatchalian na dapat mayroong contingency plan ang DOE at maging ang mga power generation companies sa ganitong paulit-ulit na sitwasyon.
Isa naman sa nakikitang solusyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang paglagda nito ng kasunduan sa European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) para sa paggamit ng renewable energy resources sa bansa upang itaas ang power supply at energy generation.