DOE: Krisis sa enerhiya na naranasan ngayon ng bansa, hindi na mauulit pa sa susunod na taon 

Siniguro ng Department of Energy (DOE) na may 4,000 megawatts (mw) na ang nakatakdang idagdag sa kapasidad ng enerhiya ng bansa sa pagtatapos ng taon.

Nasa mahigit 2,000 mw dito ay mula sa conventional energy habang mahigit 1,900 mw ang nagmula naman sa renewable energy.

Ayon kay Energy Undersecretary Rowena Guevarra, katumbas ito ng 18% na pagtaas sa kabuuang kapasidad ng kuryente ngayong taon kumpara sa mga nakalipas na taon na umaabot lamang sa 6% ang idinaragdag.


Ani Guevarra, mahigpit na sinusubaybayan ng DOE ang mga naka-activate na power plant at iba pang mapagkukuhanan ng enerhiya sa ngayon dahil sa sunod-sunod na paglalagay sa Yellow at Red Alert ng Luzon at Visayas grid.

Samantala, nakaantabay na rin ang Energy Department sa mga bagong power plant na inaasahang maitatayo sa 2025 upang matiyak na masimulan ang operasyon sa nakatakdang panahon.

Facebook Comments