Nakikipag-ugnayan na ang Department of Energy (DOE) sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at sa lahat ng generation companies kaugnay ng sitwasyon sa supply ng kuryente.
Sa harap ito ng pagdedeklara ng red at yellow alerts sa Luzon at Visayas ngayong araw.
Ayon sa DOE, layon ng kanilang mahigpit na koordinasyon na matiyak ang minimal na impact ng mababang supply ng kuryente.
Sa Luzon, inatasan na ng DOE ang lahat ng Distribution Utilities (DUs), kabilang na ang Manila Electric Company (Meralco) at electric cooperatives (ECs), na i-activate ang kanilang Interruptible Load Program (ILP) para mabawasan ang overall demand sa grid.
Hinihimok din ng Energy Department ang publiko, gayundin ang industrial at commercial establishments na bawasan ang kanilang konsumo ng kuryente kapag peak hours para maibsan ang mas matinding epekto ng shortage sa supply ng kuryente.