Bantayan ang konsumo ng kuryente habang nasa resesyon ang bansa bunsod ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito ang panawagan ngayon ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi.
Aniya, batid niya na mas tataas ang konsumo sa kuryente ang bawat tahanan habang nasa gitna ng pandemya ang bansa dahil karamihan ng mga Pinoy ay nanatili lamang sa loob ng kani-kanilang mga bahay.
Ayon kay Cusi, lumabas sa kanilang pag-aaral sa energy consumption trend sa nakalipas na buwan na tumaas ang bilang ng kilowatt per hour na nagamit ng bawat tahanan.
Subalit bumaba naman ang konsumo ng kuryente ng mga industrial o commercial establisment sa bansa.
Iginiit niya na mayroon namang sapat na supply ng kuryente ang bansa ngunit hindi aniya ibig sabihin na hindi na kailangang magtipid sa paggamit ng kuryente.
Upang matulungan ang mga konsyumer, sinabi niya na magsasagawa ng Energy Efficiency Communications Campaign ang DOE.