Pinakikilos na agad ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) hinggil sa banta na posibleng bumaba sa “Yellow Alert” ang Luzon grid sa Abril at Mayo dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente dulot pa rin ng epekto ng El Niño phenomenon.
Inaatasan ni Gatchalian ang DOE na kaagad bumuo ng El Niño Task Force na siyang magco-convene sa lahat ng power plants at utilities para paghandaan at matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa rehiyon.
Pinaglalatag ng senador ng contingency measures ang task force kabilang na ang Interruptable Load Program (ILP) at hindi pagsasagawa ng maintenance sa mga power plants sa panahon ng summer.
Gayunman, ang problema sa suplay ng kuryente ay masosolusyunan lamang kapag ang lahat ng power plants ay gumagana ng full capacity.
Dagdag pa aniya rito na kailangang mayroong ancillary reserves na nakahanda ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang maiwasan ang blackouts ngayong tag-init.
Iginiit pa ng mambabatas na ang problemang ito ay dapat napaghandaan na noon pang mga nakaraang buwan dahil batid naman na mararanasan talaga ang epekto ng El Niño ngayong taon.