DOE, pinapahanap ng isang senador ng iba pang pagkukunan ng krudo

Nanawagan si Senator Imee Marcos sa Department of Energy o DOE na maghanap ng iba pang pagkukunan ng supply ng krudo.

Sabi ni Marcos, ito ay para mabawasan o hindi laging umaasa ang Pilipinas sa importasyon ng langis sa Middle East.

Ayon kay Marcos, pwede tayong bumili ng mas murang langis sa China, Russia at iba pang malalaking bansang supplier na hindi saklaw ng parusa o sanction system ng mga Western nations.


Iminungkahi din ni Marcos na ating simulang makipag-usap sa Venezuela at African countries para mapatatag ang ating supply at maparami ang reserbang langis.

Sinabi din ni Marcos na sa katagalan, ay pwede nating bawasan ang pagdepende sa mga gasolina at mas subukan ang wind o solar energy.

Para kay Marcos, kulang pa tayo sa komprehensibong plano para sa enerhiya maliban sa UC Malampaya.

Idinagdag ni Marcos na pwede rin nating tuklasin ang iba pang lokal na pagkukunan ng enerhiya kasama ang China, Japan, Australia at New Zealand, kapag nagawa nating mas nakaka-engganyo ang sistemang pagbubuwis para mamuhunan sila sa bansa.

Ang nabanggit na mga hakbang ay rekomendasyon ni Marcos sa harap ng patuloy na tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

Facebook Comments