
Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na may nakahanda silang mga hakbang sakaling tumagal pa ang kaguluhan sa Iran at magkaroon ito ng epekto sa suplay at presyo ng langis.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, kabilang sa mga sektor na kanilang tututukan at aalalayan ang agrikultura, pangingisda, at transportasyon.
Sinabi ni Romero na patuloy rin nilang mino-monitor ang kalidad ng mga produktong petrolyo upang matiyak na walang sasakyang masisira dahil sa substandard o hindi de-kalidad na langis.
Dagdag pa niya, tinitiyak din ng ahensya na tama ang sukat ng langis na naibibigay sa mga motorista sa mga gasolinahan.
Sa kabila nito, nanindigan ang DOE na inaasahang bababa ang presyo ng langis sa mga susunod na linggo.










