Tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa Kamara na patuloy silang kumikilos para tugunan ang problema sa kuryente sa bansa partikular sa Metro Manila at Luzon.
Sa pagharap ni Energy Sec. Alfonso Cusi sa moto proprio investigation ng Committee on Energy na pinangunahan ni Energy Chair at Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo, sinabi nito na nakikipagtulungan ang DOE sa Energy Regulatory Commission (ERC) at sa iba pang energy players upang masiguro ang energy supply na sobra pa sa pangangailangan ng publiko.
Nilinaw naman ni Cusi sa pagdinig na nagkasabay-sabay nitong nakaraan ang pagkasira ng apat na malalaking planta ng kuryente na nagresulta sa pagkawala ng 2,000 megawatts supply.
Bukod pa sa sinabayan ng sobrang init na panahon at mataas na demand sa kuryente.
Hindi aniya ito nangangahulugan na walang “capacity” dahil mayroon namang sapat na suplay ngunit naghahanap pa ang DOE ng tinatawag na “safety reserve.”
Samantala, pumalag din si Cusi sa mga nagpapakalat ng impormasyon na umabot ng sampu hanggang labing isang oras ang naranasang brownouts sa Luzon na nagdulot naman ng panic sa publiko.
Giit ng Kalihim, ang brownouts sa Luzon kamakailan ay tumagal lamang ng dalawa hanggang tatlong oras, at mapapatunayan ito sa mga rekord ng Manila Electric Company (Meralco).