DOF at BIR, iwas-pusoy sa tanong kung makikinabang si PBBM sa extension ng estate tax amnesty

Iwas-pusoy ang Bureau of Internal Revenue (BIR) nang matanong sa pagdinig ng Senado kung may kinalaman ba sa utang ng pamilyang Marcos ang pagmamadali na maipasa ang ikalawang pagpapalawig sa estate tax amnesty.

Naungkat ang usaping ito nang matanong tungkol dito ni Senator Robin Padilla ang BIR dahil sila mismong mga mambabatas ay pinagbibintangan ng mga kritiko na kapag naipasa ang estate tax amnesty extension ay si Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) ang makikinabang dito.

Hindi direktang masagot ni BIR Legal Service Asst. Commissioner Larry Barcelo ang tanong ni Padilla, at sa halip sinabi na lamang nito na tulad sa naunang pahayag ng Department of Finance (DOF), marami pa ang hindi nakaka-avail na taxpayers sa naunang tax amnesty.


Paliwanag pa ni Barcelo, nakapaloob pa rin naman sa kasalukuyang batas ang probisyon para sa restrictions at limitations ng mga maaari lamang mag-avail ng tax amnesty at ito ay idadaan pa naman sa evaluation ng ahensya.

Nais sana ni Padilla na linawin ng DOF at BIR na hindi sila gumagawa ng paraan sa Kongreso para malibre sa buwis ang pangulo pero walang direktang maisagot dito ang mga ahensya.

Isinusulong ng Kongreso ang pagpapalawig sa estate tax amnesty ng hanggang dalawang taon pa o hanggang June 14, 2025.

Ang deadline para sa aplikasyon ng estate tax amnesty ay nakatakda namang mapaso sa June 14, 2023.

Facebook Comments