DOF: Infra projects ng BBM admin, tiyak na popondohan

Siniguro ng Department of Finance na kayang pondohan ang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagpapatuloy ng mga proyektong pang imprastraktura.

Sa post State of the Nation Address (SONA) economic briefing kahapon, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na malaking tulong dito ang mas maayos na  sistema ng pagbubuwis na namana nila mula sa nagdaang administrasyong Duterte.

Ayon kay Diokno, ang planong rightsizing sa national government ay lilikha rin ng pagiging epektibo at maayos na serbisyo.


Kabilang sa mga popondohang proyektong pang imprastraktura ay ang 33km Metro Manila Subway project, 147km North-South Commuter Railway System, 12km LRT-1 Cavite extension , 23km MRT 7, common station na kokonekta sa LRT-1, MRT-3 at MRT-7, maging ang Mindanao railway project, Panay railway project at Cebu railway system.

Hinimok naman ni Diokno ang pribadong sektor na makisali sa inaasahang economic boom ng Pilipinas mula sa mga proyektong ito.

Naniniwala si Diokno na ito na ang panahon para sa  mas mabilis na pag-usad ng ekonomiya ng bansa.

Kaya pinayahunan nito ang pribadong sektor na magtiwala lamang sa gobyerno.

Facebook Comments