DOF, ipinag-utos ang pagbuo ng isang technical working group na tutulong sa BARMM sa tamang paggamit ng pondo

Ipinag-utos ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa ilang opisyal ng kanilang departamento na bigyan ng gabay ang mga opisyal ng katatatag lang na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM pagdating sa pagplano at paggamit ng pondo na maibibigay sa kanila.

Ito’y kasunod ng pahayag ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. sa isang pulong kasama ang Department of Finance (DOF) na mahina sa budget planning at programming system ang mga taga BARMM.

Matatandaang sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law, makakatanggap ang BARMM ng taunang pondo mula General Appropriations Act, at may access rin sila sa Special Development Fund na maaaring gamitin sa rehabilitasyon ng mga lugar na apektado ng giyera o anumang gulo.


Pinabubuo ni Sec. Dominguez ang isang technical working group na kinabibilangan ng Department of Budget and Management, Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Commission on Audit at iba pa para tulungan sa fiscal management ang bagong rehiyon.

Maging ang Philippine Tax Academy ay kinausap na rin ng DOF para magbigay gabay.

Matatandaang, co-chair ng BARMM minister of budget ang DOF sa binuong Intergovernment Fiscal Policy Board o IGBF na siyang tututok sa pagtugon sa pangangailangan pinansyal at iba pang programa para magkaroon ng sariling kita ang gobeyrno ng BARMM.

Kasama rin sa IGBF ang DBM, Department of Trade and Industry at National Economic and Development Authority.

Facebook Comments