Tinatayang 100 COVID-19 patients sa bansa ang papainumin ng anti-flu drug na Avigan mula sa Japan bilang bahagi ng clinical trial sa pagtuklas ng gamot laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Health Usec Ma. Rosario Vergeire na ipapadala ng Japan ang nasabing gamot dahil mayroon ng ‘go signal’ na isagawa ang clinical trial sa mga susunod na araw.
Sa ngayon, ayon kay Vergeire, ginagawa na nila ang protocol kung paano pipiliin ang mga ospital at kung sino sa mga pasyente ang isasali sa clinical trial.
Maliban dito, kumukuha na rin sila ng clearances para sa Avigan mula sa iba’t-ibang institusyon sa ating bansa.
Kasunod nito, binigyang diin ni Vergeire na boluntaryo ang gagawin nilang clinical trial sa mga COVID-19 patients kung kaya’t kinakailangan aniyang may consent mula sa pasyente ang gagawin nilang clinical trial.