Aminado ang Department of Health na malaki ang posibilidad na magkaroon ng second wave ng COVID-19 sa bansa.
Kasunod ito ng pagdagsa ng mga tao sa labas o sa mga trabaho matapos na luwagan ang lockdown.
Bunga nito, inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na lalo pa nilang pinaigting ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng COVID patients.
Aniya, bukod sa pagsasagawa ng COVID testings, malaking bagay ang pagpapaigting sa pagsasagawa ng contact tracing.
Iginiit naman ni Dr. Rio Magpantay ng DOH Epidemiology Bureau, na ang nakasalamuha ng isang Covid positive na may sintomas ng virus ay mahalagang malagay agad sa isolation area.
Samantala, ibinahagi naman ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang kanilang estratehiya sa pagsasagawa ng contact tracing sa kanilang lugar.
Partikular ang tinatawag na “cognitive interviewing” scheme kung saan sinanay nila ang kanilang mga doktor at nurses sa Baguio sa pagsasagawa ng nasabing strategy.
Sinabi ni Magalong na malaking bagay ang naturang scheme para mapadali at mapabilis ang kanilang contact tracing.