Aminado ang Department of Health (DOH) na mayroon pa ring backlog na nasa 7,000 test para sa COVID-19 ang kailangang i-proseso ng mga lisensyadong laboratoryo.
Ito ay sa harap ng panawagan ng publiko na magsagawa ng mass testing at magkaroon ng real-time data sa mga kumpirmadong kaso sa bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maraming factors ang kanilang ikunsidera kung bakit nagkakaroon ng backlog at nakakaapekto sa pagpoproseso ng test results.
Aniya, hindi madaling iangat ang testing capacity ng bansa at kumplikado ang pagpoproseso ng test.
Malaki ring hamon ang paglalabas ng tamang datos lalo na at kung limitado ang resources, pero siniguro ng ahensya na patuloy nilang pinapabuti ang pagbibigay ng wastong impormasyon.
Sinabi naman ni Dr. Marife Yap, isang executive ng health system development organization na ThinkWell, inaabot ng walong oras para i-test ang isang swab sample para sa COVID-19.
Kabilang na rito ang apat na oras na pag-extract sa virus at dalawang oras sa pagpoproseso sa PCR machine.
Maraming laboratoryo ang hindi naabot ang 6:00 PM cut off time sa pagpapasa ng reports sa DOH, na isa sa mga dahilan ng backlog.
Ang mga PCR machines ay mayroon lamang maximum capacity na naglilimita sa bilang ng samples na naipoproseso kada araw.
Bukod dito, problema rin ang kakulangan sa tauhan para sa pagsasagawa ng test.
Patuloy din ang pagdagsa ng mga sample na ipinapadala ng mga Local Government Units (LGUs).
Sa huling datos ng DOH, nasa 207,823 na indibidwal na ang na-test para sa COVID-19, kung saan 82.4% ay negatibo habang 8.1% ay positibo.
Nasa 30 ang lisensyadong PCR Laboratories sa bansa na nakapagsagawa na ng 244,800 test.