DOH at FDA, pinakikilos laban sa advertisement ng mga hindi masusustansyang pagkain

Hinimok ni Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go ang Department of Health (DOH) at ang Food and Drug Administration (FDA) na paigtingin ang pagbabantay laban sa mga advertisement ng mga pagkaing may mataas na lebel ng saturated fatty acid, trans-fatty acids, free sugar at salt.

Kaugnay na rin ito sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) sa lahat ng mga pamahalaan sa buong mundo na magpatupad ng mahigpit na polisiya para maprotektahan ang mga kabataan mula sa mga ads o patalastas na nakakaapekto sa kanilang dietary choices.

Ayon kay Go, mahalagang i-regulate ang marketing ng mga pagkain at inumin na napatunayang may negatibong impluwensya sa paraan ng pagkain ng mga kabataan.


Tinukoy ng mambabatas ang tumataas na kaso ng mga diet-related na sakit gaya ng diabetes, sakit sa puso, at obesity lalo na sa mga kabataan.

Hiniling ni Go ang pagtukoy at pagkategorya ng gobyerno kung ano ang food products na dapat limitahan lang ang marketing para epektibong ma-regulate ang ads sa iba’t ibang media platforms.

Umapela rin ang senador sa publiko na alagaan ang kani-kanilang kalusugan, lalo na ng mga kabataan, at makiisa sa kampanya laban sa marketing ng hindi masustansyang pagkain.

Facebook Comments