DOH at IATF, dapat maglatag ng patakaran para sa automatic travel bans

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Health (DOH) at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na maglatag at mahigpit na magpatupad ng patakaran para sa ‘automatic travel bans’ patungo at mula sa bansang may mataas na COVID-19 infections o bagong variants ng virus.

Dismayado si Hontiveros na palaging naghihintay pa ng panawagan mula sa publiko ang DOH at IATF bago magpatupad ng travel ban.

Ayon kay Hontiveros, dahil sa laging napakabagal o last minute na mga desisyon ng DOH at IATF kaya lahat ng COVID variants sa mundo ay kumakalat na dito sa Pilipinas.


Batikos pa ni Hontiveros, mahigit isang taon na ang pandemya pero hanggang ngayon ay wala pang nakalatag na protocols para sa travel ban ang gobyerno.

Pinuna rin ni Hontiveros ang pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi dapat ikabahala ang double-mutant variant ng COVID-19 sa India na nagdudulot ng matinding infection lalo na sa mga bata na walang kalaban-laban dahil hindi sila maaaring bakunahan.

Ipinunto pa ni Hontiveros na napakataas na ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas at maraming mga Pilipino ang helpless dahil sa pagiging hindi listo ng gobyerno sa pagpoprotekta sa ating lahat.

Facebook Comments