Umarangkada ngayong araw ang isang sabayang polio vaccination acitivity na parte ng pinalakas na kampanya ng gobyerno laban sa polio.
Dito sa lungsod ng Maynila ay nagkaroon ng “olats ang polio sa maynila”, na ginawa ngayong araw sa del Paso covered court sa Quiapo.
Kabilang sa dadalo sa aktibidad ay si Health Undersecretary Eric Domingo, Manila Mayor Isko Moreno, Manila Vice Mayor Honey Lacuna, at mga kinatawan ng UNICEF at World Health Organization.
Ayon sa DOH, ang Pilipinas ay deklaradong polio-free mula noong october 2000. Pero sa kasalukuyan ay “high-risk” na sa poliovirus transmission.
Dahil dito, naglatag ang DOH ng mga hakbang upang mas mapalawak ang polio prevention sa buong bansa, gaya sa Metro Manila.
Kabilang dito ang surveillance sa mga bata na limang taong gulang pababa na may “sudden onset of muscle weakness” o paralysis ng upper at lower extremities, at ang polio immunization campaign dahil mahalaga ang kumpletong bakuna laban sa anumang sakit, gaya ng polio.
Nananawagan din ang DOH sa mga lokal na pamahalaan na palakasin ang implementasyon ng “zero open defecation program” at magkaroon ng environmental sanitation at personal hygiene.
Iwasan din na maligo sa Manila Bay na hindi pa rin ligtas na paliguan o paglanguyan.
Ang polio ay isang “fatal and disabling disease” na mula sa poliovirus na naita-transmit dahil sa kawalan ng environmental sanitation at hygiene.