Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na umabot na sa 59,267 ang nagkakasakit ng dengue sa bansa ngayong taon.
Ayon sa DOH, ang naturang bilang ay naitala mula Enero hanggang Mayo 4, 2024 kung saan 164 ang nasawi.
Bagama’t nasa higit 50,000 ang tinamaan, inihayag naman ng DOH na bahagyang bumababa ang kaso ng dengue mula Marso hanggang Abril ngayong taon.
Ayon sa DOH, tatlong porsiyento ang ibinaba ng dengue, o mula 5,380 noong March 24 hanggang April 6 ay naging 5,211 noong April 7 hanggang April 20.
Mula Abril 21 hanggang Mayo 4 ay bumaba ng tatlumpung porsiyento ang tinamaan ng dengue o 3,634 na lamang.
Paalala naman ng DOH sa publiko, ngayon pa lamang ay linisin ang paligid upang matanggal ang pinamamahayan ng mga dengue mosquito at kung makararanas naman ng sintomas tulad ng lagnat ng ilang araw, maiging kumonsulta na agad sa doktor.