Binigyan ng hanggang Biyernes ng Department of Health (DOH) ang lokal na pamahalaan ng Cebu City upang ma-improve o mapababa ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nakiusap ang regional DOH sa Central Visayas upang hayaan silang mapababa ang naitatalang daily attack rate sa Cebu bago matapos ang linggong ito dahil kung hindi ay posible silang isailalim sa mas mahigpit na quarantine classification.
Hinayaan din ng DOH ang Cebu Local Government Unit (LGU) na mas paigtingin pa ang isinasagawa nilang testing, contact tracing hanggang 3rd generation, isolation sa pamamagitan ng Oplan Kalinga at ang patuloy na pagtalima sa heath and safety protocols.
Sa ngayon sa pinakahuling datos ay nasa 48% ang utilization ng health care capacity sa Cebu na itinuturing na nasa moderate risk.
Kamakailan na-detect ng Philippine Genome Center ang 2 COVID-19 “mutation of concern” sa Cebu City na E484K at N501Y kung saan ang isa rito ay present sa South African variant ng COVID-19.