DOH budget, bubusisiing mabuti ng senado sa harap ng leadership issues ni Sec. Duque

Hindi dadaan sa butas ng karayom pero tiyak na bubusisiing mabuti ng Senado ang panukalang ₱203.1 billion na pondo ng Department of Health (DOH) para sa 2021.

Ito ay sa harap ng mga isyung kinasasangkutan ni Health Secretary Francisco Duque III gayundin ang mga anomalya sa PhilHealth.

Sa interview ng RMN Manila, binigyang-diin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang malaking pangangailangan ng publiko sa panahong ito ng pandemya.


Aniya, hindi naman talaga problema ang pondo kundi ang taong humahawak nito.

“Hindi naman dadaan sa butas ng karayom kasi malaki ang pangangailangan ng mga kababayan natin lalo na dito sa pandemic e. So, yung ₱71 billion na program subsidy ng PhilHealth, dahil sa’min hindi magagalaw yun. Okay lang yun. Pero ang importante dito e yung mga taong humahawak non,” ani Sotto.

Umaasa rin si Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na mas magiging mabusisi ang mga senador sa gagawin nilang deliberasyon sa pondo ng DOH.

Aniya, kabilang sa pagbabasehan ng Senado sa kung magkano ang pondong ilalaan sa DOH ay ang abilidad ni Duque na maabot ang demand ng mga senador sa usapin ng kanyang performance bilang health chief at ang accountability niya sa mga isyung kinahaharap ng ahensya.

Gaya ni Sotto, iginiit ni Angara na hindi nila isasakripisyo ang budget para sa mga programang pangkalusugan na kailangan ng publiko nang dahil lang kay Duque.

Matatandaang, nasa 14 na senador ang pumirma sa resolusyon para sa panawagang mag-resign na si Duque dahil sa anila’y bigo nitong pamumuno sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments