Pinaghahandaan na ng Department of Health (DOH) ang posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa kasabay ng Holiday Season.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, bumuo na sila ng contingency plan para makatugon agad ang health authorities at iba pang opisyal sa “post-holiday season surge” ng COVID-19 infection sa bansa.
Sinabi ni Duque, hindi pa rin dapat nagpapakampante ang publiko kahit ng nagkakaroon ng downtrend o pagbaba ng kaso.
Ipapatupad ng DOH ang Department Circular 2020-0355 o Reiteration of the Minimum Public Health Standards for COVID-19 Mitigation sa holidays para ipaalala sa mga Pilipinong sundin ang anti-COVID-19 policies tulad ng physical distancing, pagsusuot ng face masks at face shields at paghuhugay ng kamay.
Nakasaad din dito na dapat iwasan ang holiday activities tulad ng caroling, shopping sa mga matataong lugar, indoor gatherings na maraming tao at pagsakay sa punong pampublikong sasakyan.
Nanawagan ang DOH ng tulong sa iba pang ahensya tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTr) at Local Government Units (LGUs).