Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na isa si Health Secretary Francisco Duque III sa mga dapat magpaliwanag nang maigi ukol sa mga alegasyon ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa katunayan, ayon kay Hontiveros, 2001 pa lang ay konektado na si Duque sa PhilHealth kaya siguradong may alam ito sa sistematikong korapsyon na nagaganap sa ahensya.
Binigyang-diin ni Hontiveros na para sa layuning malinis talaga ang PhilHealth ay mainam na balikan ang 2001 hanggang 2005 kung kailan nagsilbing president nito si Duque.
Ipinaalala ni Hontiveros na sa nabanggit na panahon ay pinuna ng Commission on Audit (COA) ang paggastos ng PhilHealth ng 490 million pesos sa libreng PhilHealth cards na umano’y ginamit sa kampanya ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Ayon kay Hontiveros, noong 2005 hanggang 2009 ay naging ex -officio Chairman ng PhilHealth board si Duque kung saan napuna naman ng COA ang milyun-milyong pisong administrative expenses ng ahensya.
Punto ni Hontiveros, ngayon na nasa ikalawang termino na si Duque bilang Chairperson ng PhilHealth board ay hindi maitatanggi na mayroon itong responsibilidad sa lahat ng iregularidad na nangyayari sa ahensya.