Kinumpirma ngayon ng Department of Health (DOH) sa Davao na diarrhea outbreak ang nangyari sa bayan ng Jose Abad Santos sa lalawigan ng Davao Occidental.
Ayon kay DOH Davao Center for Health Development Regional Director Dr. Annabelle Yumang, nagkaroon ng mga kaso diarrhea sa Barangay Butuan sa Jose Abad Santos kung saan nanggaling mismo ang impormasyon mula kay Municipal Mayor Jason John Joyce.
Batay pa sa ulat, isang Emilio Sumanday, 68-anyos ang namatay habang 34 iba pa ang naospital na kasalukuyang nasa Tomas Lachica District Hospital.
Sa nasabing bilang ng naospital, 25 sa kanila ang minomonitor at tinututukan ang kalagayan.
Nagtungo na rin sa nasabing barangay ang Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) upang kumuha ng mga samples ng tubig para isailalim sa imbestigasyon habang nagsagawa na rin sila ng rapid assesment kung saan inaalam na rin nila ang kalagayan ng kalusugan ng iba pang pamilya.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Regional Epidemiology Surveillance Unit sa Provincial at Muncipal Health Office para sa iba pang impormasyon habang sinisiguro naman ng Alkalde na kontrolado pa rin ang sitwasyon.
Napag-alaman mula sa Municipal Health Office na walang malinis na suplay ng tubig o water district sa nasabing lugar kung saan ang mga residente ay kumukuha ng tubig sa pamamagitan ng poso habang ang iba ay nag-iigib sa bukal at ilog.
Muli namang nagpaalala ang DOH sa kahalagahan ng pag-inom ng malinis na tubig gayundin ang tamang paghuhas ng kamay upang maiwasan ang anumang uri ng sakit partikular ang diarrhea.