Manila, Philippines – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang ipinatutupad na travel restrictions sa bansa sa harap ng deklarasyon ng polio epidemic.
Sinabi ni Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo na hindi pinagbabawalan ang mga Pilipino na bumiyahe patungo sa ibang bansa.
Gayunman, pinapayuhan ng DOH ang mga Pinoy lalo na ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na alamin kung ang bansa na kanilang pupuntahan ay humihingi ng vaccination certificate.
Ang mga byahero na pupunta sa bansa na nag-oobliga ng bakuna, ay maari aniyang humingi ng dose ng inactivated polio vaccine (IPV) bago umalis ng bansa at kumuha ng International Certificate of Vaccination mula sa DOH Bureau of Quarantine.
Ito aniya ang magsisilbing katunayan ng bakuna.
Para naman sa mga papasok ng bansa, dayuhan man o pabalik na Pinoy at mananatili sa bansa ng apat na linggo o higit pa at wala pang bakuna kontra polio sa nakalipas na labindalawang buwan ay hinihikayat na magpakabuna apat na linggo bago ang kanilang byahe patungo sa bansa.
Ang mga may “urgent” na byahe ay inirerekumenda naman na kumuha ng single dose ng IPV bago ang kanyang departure.
Ngayong Oktubre, mgsasagawa ng Synchronized Polio Vaccination ang DOH sa bansa para mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit.