DOH, hindi muna irerekomenda sa Manila LGU ang pagpapatupad ng malawakang lockdown kasunod ng naitalang kaso ng Delta variant sa lungsod

Hindi muna irerekomenda ng Department of Health (DOH) sa Manila City government ang pagpapatupad ng malawakang lockdowns sa lungsod bagama’t may isang namatay rito na nagpositibo sa Delta variant ng COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay granular lockdowns lamang ang kanilang irerekomenda sa Manila LGU.

Sinabi ni Vergeire na “manageable” naman kasi sa ngayon ang kaso ng Delta variant sa Maynila lalo na’t epektibo naman aniyang pinaiiral ng Local Government Unit (LGU) ang Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategy para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng Coronavirus.


Una nang kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno na pawang matataas naman ang CT value na naitatala mula sa sample ng close contacts ng pasyenteng namatay sa Maynila dahil sa Delta variant.

Ang 58 anyos na babae mula sa Pandacan, Maynila na namatay noong June 28 ay kabilang sa 3 pasyente na may Delta variant na namatay sa bansa.

Isa sa mga close contact nito ang nagpositibo sa COVID-19 pero hindi na isinumite para sa genome sequencing ang sample na nakuha rito dahil sa naitalang mataas na CT value.

Facebook Comments