Hinihimok ngayon ng Department of Health o DOH ang Commission on Elections o COMELEC, na maghanap ng alternatibong paraan para magkaroon ng pagkakataon na makaboto ang mga botanteng positibo sa COVID-19 sa 2022 national election.
Sa online media forum ng DOH, iginiit ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na hindi pabor ang DOH na lumabas at bumoto ang mga positibo sa COVID-19 sa susunod na halalan.
Paliwanag ni Usec. Vergeire, sakaling payagan ang pagboto ng mga indibidwal na positibo sa virus, maaaring magdulot ito ng transmission o pagkalat ng COVID-19 o baka makahawa ng iba pa.
Dahil dito, sinabi ni Vergeire na sana ay makahanap ng ibang paraan ang COMELEC para makaboto pa rin ang mga nasabing pasyente.
Inirerekomenda pa ni Usec. Vergeire, magkaroon sana ng digital, virtual o kaya’y SMS na pagboto para sa mga COVID-19 positive patient.
Matatandaan na unang inihayag ng COMELEC na magtatayo sila ng isolation centers o polling precincts para doon makaboto ang mga botante na magpopositibo sa COVID-19 matapos antigen test o kaya may mga sintomas ng virus.
Kasabay nito, ang apela ng COMELEC sa mga indibidwal na positibo sa COVID-19 ay huwag nang pumunta sa lugar ng botohan para hindi na makahawa pa.