DOH, Hiniling na sa COVAX facility na palitan ang na-expired na 10.5 million COVID-19 vaccine doses sa bansa

Hiniling na ng Department of Health (DOH) sa COVAX facility upang palitan ang na-expired na 10.5 million vaccine doses.

Ayon kay DOH Officer in Charge Maria Rosario Vergeire, hindi lahat ay hiniling nila na palitan kundi ang mga napaso lang na bakuna.

Aniya, inaasahang maide-delivery ng COVAX ang mga bagong bakuna sa December, hanggang January at February 2023.


Nabatid na tiniyak ng COVAX facility na papalitan nila ang mga hindi nagamit at na-expired ng COVID-19 vaccine kabilang na ang nabili ng private sector at Local Government Units (LGUs).

Una nang sinabi ni Go Negosyo founder at dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na aabot sa 3.6 million doses ng Moderna vaccines ang na-expired na noong pang July 27, 2022, maliban pa sa 623,000 AstraZeneca doses na napaso noong July 31.

Ito ay may kabuuang bilang na 4.2 million vaccines na nagkakahalaga ng P5.1 billion.

Sa ngayon ay nasa 8.42% ang vaccine wastage sa bansa, mas mababa kumpara sa 10% na itinakda ng World Health Organization (WHO).

Facebook Comments