Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na irespeto ang privacy ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Ito ay kasunod ng mga natatanggap nilang ulat kung saan ang listahan ng mga taong nagkasakit ay ikinakalat sa social media.
Ayon sa DOH, ang health authorities lamang ang may karapatang makakuha ng access sa personal information sa ilalim ng Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Pinatitiyak din ng batas sa health authorities na maipagkakatiwala sa kanila ang confidentiality at privacy ng personal information ng mga pasyente.
Hinimok ng DOH ang publiko na huwag nang ikalat ang nasabing listahan dahil maituturing itong ilegal at mag-iiwan ng stigma sa mga pasyente.
Umapela ang ahensya sa lahat na huwag nang palalain ang sitwasyon ng mga pasyente.
Anumang privacy violation, personal data breach o security incident ay paglabag sa RA 10173 o Data Privacy Act of 2012.