Nanindigan ang Department of Health (DOH) na hindi nasayang ang pagpapatupad ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus bubble.
Nabatid na sinabi ng Healthcare Professionals Alliance against COVID-19 (HPAAC) na nawalan lamang ng saysay ang pagpapatupad ng ECQ sa Greater Manila Area.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pinalakas muli ng dalawang linggong ECQ ang healthcare system ng bansa.
Higit 3,000 beds ang nadagdag para sa ICU, isolation at wards sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila at kalapit probinsya.
Ang mga mechanical ventilators, nasal cannulas, personal protective equipment at karagdagang pondo para sa procurement ng medical resources ay naipaabot na rin sa mga ospital.
Ang contact tracing efficiency ration ay tumaas sa average na 1:6 hanggang 1:9 mula sa national average na 1:3 nitong Marso.
Ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay magpapakalat pa ng contact tracers habang ang DOH ay nagpadala na ng karagdagang health workers mula sa mga probinsya patungong NCR para tulungan ang kasalukuyang workforce.
Ang epekto ng ECQ ay malalaman lamang sa susunod na 10 hanggang 14 na araw.