Iginiit ng Department of Health (DOH) na kailangang i-cremate ang labi ng lalaking Chinese na ikalawang kaso ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (n-CoV-ARD) sa bansa.
Ayon kay DOH spokesperson, Undersecretary Eric Domingo – lumabas sa resulta ng pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na maliban sa n-CoV-ARD ay tinamaan din ang 44-anyos na pasyente ng severe pneumonia.
Aniya, posible pa ring makahawa ang bangkay ng pasyente.
Aminado si Domingo – na wala pang tiyak na petsa kung kailan ito gagawin.
Nakikipag-ugnayan pa rin sila sa Chinese Embassy hinggil dito.
Ang babaeng Chinese naman na unang nagpositibo kaso ng n-CoV-ARD ay nasa maayos na ang kondisyon pero nananatili pa rin sa hospital.
Sa ngayon, natunton na ang 74 na tao na posibleng nakasalamuha ng dalawang Chinese at inabisuhan na ang mga ito na sumailalim sa home quarantine.
Nasa 80 na ang patients under investigation.