Iginiit ng Department of Health (DOH) na marami ang kailangang ikonsidera pagdating sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.
Ito ang pahayag ng ahensya kasunod ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibili ng bakuna na mura ang halaga.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bagamat ikinokonsidera ang presyo o halaga ng bakuna, ang pangunahing criteria para sa pagbili ng bakuna at dapat ligtas at mabisa ito laban sa sakit.
Kailangang sumailalim sa mahigpit na regulatory process ng bansa ang bakuna.
Kabilang sa mga assessment ay mula sa Health Technology Assessment Council at Vaccine Experts Panel ng Department of Science and Technology (DOST).
Dapat ding maiparehistro ito sa Food and Drug Administration (FDA) at mapasama sa National Drug Formulary.
Importante rin na ang candidate vaccine ay “pre-qualified” sa World Health Organization (WHO).