Ikinabahala ng Department of Health (DOH) ang pagdagsa ng maraming tao sa Dolomite beach sa Manila Bay sa gitna ng pandemyang nararanasan ng bansa dahil sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, posibleng magdulot ng hawaan sa COVID-19 ang pagdagsa ng mga tao lalo’t may mga pagkakataong hindi na nasusunod ang social distancing at health protocols.
Kasabay nito, target ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na gawing ‘swimmable’ ang Manila Bay, bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte at maging tourist spot para muling mabuhay ang negosyo.
Hindi naman ito imposible para kay DENR spokesperson Undersecretary Benny Antiporda lalo’t bumaba na ang fecal coliform level sa Manila Bay.
Sa ngayon, hiwalay na ang lugar ng pasukan at labasan ng publiko sa Dolomite beach kung saan mas naging organisado na ito kumpara sa pagdagsa ng maraming tao nitong weekend kasabay ng pagbaba sa Alert Level 3 ng Metro Manila.