Inendorso na ng Department of Health (DOH) ang isang reklamo laban kay Sen. Koko Pimentel dahil sa paglabag sa quarantine protocols.
Mismong si Usec. Maria Rosario Vergeire, ang tagapagsalita ng DOH, ang nagkumpirma nito sa kanyang virtual press briefing ngayong umaga.
Ayon kay Vergeire, nagsumite na ang DOH ng endorsement sa reklamo at naipasa na ito sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Matatandaan na mayroon nang reklamo laban kay Pimentel sa Department of Justice (DOJ) na inihain ni Atty. Rico Quicho dahil sa paglabag nito sa quarantine protocols.
Sa isang pahayag naman ni Quicho, sinabi niyang nagpapasalamat siya sa DOH na nag-endorso ng kanyang reklamo sa PNP at NBI.
Matatandaan na si Pimentel ay nagtungo sa Makati Medical Center para samahan ang kanyang misis na manganganak noong March 24, 2020 kung saan dapat naka-quarantine ang senador lalo na’t kinalauna’y nakumpirmang positibo siya sa COVID-19.
Dahil dito ay nagalit ang Makati Medical Center dahil sa umano’y pagiging iresponsable ng senador na maaaring makahawa ng mga health worker at iba pang mga tao sa loob ng ospital.