Inilabas na ng Department of Health (DOH) ang kanilang nakuhang report sa naging pahayag ni Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero sa social media hinggil sa mga healthcare workers na hindi nabayaran na nag-duty sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na base sa report ng DOH-Sorsogon, ang 9 na nurse na tinukoy ni Escudero ay nagtrabaho sa Dr. Fernando B. Duran Sr. Memorial Hospital.
Aniya, nakumpirma ng DOH-Sorsogon na ang 9 na nurse ay nagbitiw na sa kanilang trabaho at natanggap na rin ang kaukulang bayad noong buwan ng Setyembre.
Ipinaliwanag naman ni Vergeire na sa isyu ng hazard pay, batay sa Administrative Order no. 26 ang mga healthcare workers na nagtrabaho sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang mabibigyan nito pero ang mga nurse na tinukoy ni Escudero ay nagsimula lamang magtrabaho noong June 15.
Nabatid na nang magsimula sa trabaho ang mga nurse, wala na sa panahon o hindi na ECQ o MECQ kaya’t hindi sila nabigyan ng hazard pay.
Muli naman iginiit ni Vergeire na hindi nila pinapabayaan ang kalagayan ng mga healthcare workers ngayong may COVID-19 pandemic at handa silang ibigay sa mga ito ang nararapat na benepisyo.