DOH, inilunsad ang “Resbakuna sa Botika”, pinuri si Mayor Isko sa tugon sa COVID-19

Noong Huwebes, pinuri ni Health Secretary Francisco Duque III si Mayor Isko Moreno Domagoso para sa kanyang “innovative approach” sa Lungsod ng Maynila upang labanan ang COVID-19, idinagdag pa niya na si Moreno ay nagtakda ng mataas na pamantayan sa pamumuno na idinisenyo upang matugunan ang krisis sa kalusugan ng publiko.

“Siya po ay isang magandang ehemplo na sa tingin ko na karapat-dapat lang tularan ng mga iba pa nating mga local chief executives sa buong Pilipinas dahil napakita niya kung papaano napaunlad ang buhay ng mga Manilenyo. Sya po ay punung-puno ng innovative approach kung paano lalabanan ang pandemya at paano mas mapapahusay ang pagtulong at pagsasakatuparan ng mga programa lalo na sa pangkalusugan,” puri ni Duque para kay Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna at iba pang kawani ng pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Moreno kay Sec. Duque at sa administrasyong Duterte para sa pagbibigay ng mga supply ng bakuna na nakatulong sa Maynila na palawigin ang immunization drive nito sa mga hindi residente ng Maynila.


Samantala, masayang inanunsyo ng 47-anyos na presidential aspirant ang pitong participating drugstores katulad ng Mercury Drug, Watsons, Rose Pharmacy, Southstar Drug, Generika, Healthway at QualiMed  sa programang “Resbakuna sa Botika” ng Department of Health (DOH).

“We are happy na magkakaroon na naman ng panibagong access ang mga tao (sa bakuna) dahil sa partisipasyon ng mga drugstores. This is good and convenient for them to get boosted and hopefully, mas marami pa ang maenggayong magpabakuna,” ayon kay Moreno.

Ang bawat isa sa pitong kalahok na botika ay bibigyan ng paunang 500 doses of COVID-19 vaccines per week or a total of 3,500 doses, para sa mga gustong mag-avail ng booster shots sa pamamagitan ng mga participating outlets na ito ay kailangang mag-rehistro sa mga website ng mga drugstores.

Plano rin ng DOH na palawakin ang “Resbakuna sa mga Botika” sa labas ng Metro Manila.

Facebook Comments