DOH, inirekomenda ang pagpapalawig ng state of calamity sa COVID-19

Inirekomenda ng Department of Health (DOH) sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagpapalawig ng state of calamity ng bansa para sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, ginawa nila ang hakbang kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na posible itong manatili hanggang sa katapusan ng taon.

Aniya, inatasan na nila ang Food and Drug Administration (FDA) na hikayatin ang vaccine manufacturers na mag-apply ng kanilang Certificate of Product Registration (CPR).


Sinabi pa ni Vergeire na kailangan ang pagpapalawig ng state of calamity para amyendahan ang Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act para maipagpatuloy ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemya.

Mapapawalang bisa kasi ang mga probisyon ng batas sa sandaling matapos na ngayong buwan ang state of calamity dahil sa COVID-19 pandemic.

Matatandaang idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 infections.

Facebook Comments